the world from behind her camera
Litratong Pinoy
Magustuhan o Maibigan (LP 89)
Jan 20th
Noong nakaraang taon, buwan ng Disyembre ay napagpasyahan naming mag-asawa na sa Italia (Roma) iselebra ang aming ika-10 anibersaryo. Makulimlim ang Holland ng nilisan namin pero ganuon na lang ang tuwa namin ng dumating kami sa Italia na sikat na sikat ang araw! Noong nasa Rome Fiumicino Airport (Leonardo da Vinci) pa lang kami ay akala ko hindi ko magugustuhan ang aming pagbisita dahil sa mga arogante ang mga Italiano sa mga kiosks! Kakaiba talaga, na parang galit sila sa mga naglalakbay o turista. Pero syempre walang urungan at nanduon na kami, at isa pa, hindi ko hahayaang sirain ng kung sino lang ang aming anibersaryo, di ba?
Ang matutunghayan ninyo ay loob (ng itaas ) ng St. Peter’s Basilica na binisita namin sa pangalawang araw.
Ang disenyo ng ceramic tile mural na ito ay isa lamang sa makikita nyo kapag naakyat na dome nito. Makipot ito at halos kailangan mo tumabingi para bigyang daan ang mga taong gustong lumakad sa likod o harap mo. ( O siguro kasi mataba ako kaya kailangan ko tumabingi para makadaan sila he he)
*click for a larger image*
Nababakuran ito ng metal..siguro ay para na rin sa kapakanan ng mga dumadalaw o walang magtangkang magpatiwakal dito.
Ang parteng hindi ko nagustuhan ay ang 320 na bilang ng hagdan na kailangan mong tahakin upang maka-akyat dito! Habang himihingal ay sandali akong tumigil upang kunan ang makipot na hagdan…mabuti na lang at winter ng kami ay pumunta doon, naiimagine nyo ba kung gaano kainit dito kapag summer?!
hay naku, talagang hapong hapo ang kasiksikan ko kaya umupo muna ako sa isang tabi…sa labas lang ito ng souvenir store sa itaas ng church na kung saan ay nakilala ko ang isa sa mga madre na nagbabantay sa mga paninda..isa syang Filipina, si sister Fatima..sayang at hindi ako humiling na kunan sya ang larawan.. (yung ale sa larawan ay papasok sa souvenir store)
Ang mga naglalakihang rebulto ng mga santo sa itaas ng simbahan..may rehas kaya hindi sila malalapitan ng husto. Ipinasok ko na lang ng bahagya ang lens ng camera sa pagitan ng mga rehas para kumuha ng larawan..
Ang nagustuhan kong parte, at tiyak na magugustuhan nyo rin …na makita ang ciudad ng Vatican mula sa tuktok ng simbahan. Waging wagi kahit hiningal ang kasiksikan ko.
PS. may isa pala akong hindi nagustuhan ng araw na iyun..nakaligtaan kong kunan ng larawan ang Pieta, ang likha ng mga kamay ni Michael Angelo! (*engot to self*)
enihawkalabaw, sana naman ay nagustuhan ninyo ang aking lahok sa Huwebes na ito…Happy LP sa inyong lahat!!
Guhit ng palad (LP 88 Manipis)
Jan 13th
Mas MANIPIS keysa sa hibla ng buhok, ang guhit sa ating mga palad.
Marunong ka bang bumasa ng ‘future’ ng isang tao sa pamamagitan ng pagtingin sa guhit ng kanyang palad? Naniniwala ka ba dito?
Kung ako ang tatanungin ay parehong HINDI ang sagot ko. Sapagkat naniniwala ako ng ang Panginoon lamang ang nakakaalam ng ating bukas. Walang manghuhula o madyikero ang nakakaalam nito. Tsamba kamo? Siguro. Maari, bakit hindi. Wala naman imposible. Pero ako….
sa Kanya ko ipinauubaya ang lahat. Likha Nya lang ako.
Magandang araw ng Litratong Pinoy sa inyong lahat!!
Can you read someone’s future by looking at his palm? Do you believe in this?
If you were to ask me, my answer to both would be NO. Because I believe that only God knows our future. No fortune-teller nor magician can tell. Pure luck, you say? Maybe. Could be. Nothing is impossible. But I…
have lifted up all to Him. he is my Creator.
Gusto ko ng makapal!! (LP 87)
Jan 6th
Ganito! Ganitong kakapal na hiwa ng Thai sweet mango ang gusto ko!

Halata bang matakaw ako? Ha ha! Unang sumagi sa isip ko para sa temang makapal ay ito talaga. Miss na miss ko na kasi ang Thai sticky rice with mango! Nuong nagta-trabaho pa ako sa Thailand (ilang taon din) ay halos tuwing day-off ko ay lagi kong dinadayo ang pamosong tindahan na dinadayo talaga ng mga Thai para lang bumili ng meriendang ito. Khao Niaow Ma Muang ang tawag sa Thai.

Hayyyy habang binabalatan nya ang mangga ko, laway na laway naman ako he he! Buti hindi ko nabibitawan camera ko kasi parang nanginginig pa sa sobrang excitement, nyahahaha!

Magandang Huwebes ng LP sa inyong lahat!!
Thank you…and please come again! (LP 86)
Dec 30th
Upang ipaalam ang ating pasasalamat, maraming paraan ang ating ginagawa. We shake people’s hands. We send gifts. We say ‘thank you’ . May naiiyak pa nga habang nagpapasalamat kasi sobrang saya nya, di ba? May mga restaurants na namimigay ng mga trinkets sa kanilang mga clients. May malalaking kumpanya na nagbibigay ng bonus sa kanilang mga manggagawa. May mga tindahan naman na namimigay ng goodies sa kanilang mga suki. Kagaya ng litrato (recycled) sa itaas. Isang grocery na malapit sa amin at laging tinatakbuhan ko para sa supplies , ganyan ang ibinibigay taon-taon!
Pero hmmm, kung iisipin ko hindi naman talagang 100% na pasasalamat eh, kundi marketing strategy pa rin. Kasi kailangang mag-ipon ka ng 50 stickers (worth €10 of gorcery, you get a sticker) para maka-avail ka ng ‘free box’ . So 50 x €10=? LIBRE NGA BA? PASASALAMAT NGA BA?
Hay naku, basta ako, NAGPAPASALAMAT SA INYONG WALANG SAWANG PAGDALAW SA AKING ABANG BLOG. NAGPAPASALAMAT DIN AKO NG DAHIL SA LITRATONG PINOY KAHIT PAANO AY NAKAKILALA AKO NG MABABAIT NA TAO.
MANIGONG BAGONG TAON SA INYONG LAHAT!!!
Regalo sa araw-araw (LP 85)
Dec 23rd
Ang maimulat ko ang aking mga mata sa umaga, humihinga, nasa piling ng mahal ko sa buhay ay ang mga bagay na pinasasalamatan ko sa Panginoon sa araw-araw. Regalong buhay. At mabuhay ng mapayapa. Para sa akin ay karapat-dapat lang na magbigay papuri sa Kanya.
At ang higit sa lahat, ang pinakaimportanteng regalong natanggap ko ay ang Anak na si Jesus na ibinuwis alang-alang sa isang makasalanan na tulad ko.
Ang makita ng aking mga mata ang ganitong kagandang likha ng Panginoon…wow! regalong super! Isa pang magandang regalo ay ‘birthday’ ko sa darating na pasko, sa araw na ito noong 1994 ako ay na-water-baptized.
MALIGAYANG MALIGAYANG PASKO PO SA INYONG LAHAT!! AT MALIGAYANG ARAW NG L.P.!
Pasko Ko, Pinoy. (LP 84)
Dec 16th
Maraming Pinoy na naninirahan sa labas ng Pilipinas ang magsasabing “ iba pa rin ang Pasko sa Pilipinas. ” Kaya naman maraming tulad kong nandito sa Europa ay nagnanais na makauwi sa ating bansa sa panahong ito ng Disyembre upang makasama ang mga mahal sa buhay ngayong kapaskuhan.
Ilang taon na ring hindi ko nakakasama ang mga magulang, kapatid at buong pamilya ko tuwing pasko. Nakapag adjust na rin naman ako pero hindi maiiwasan na medyo may kalungkutan ang aming pasko dahil napakaliit ng pamilya ng aking mister. Huling pasko (2008) ay nakasama pa namin ang kanyang ama pero sa taong ito ay hindi na dahil nasa nursing home na sya. Kaya kaming 2 lamang ng mister ko ang magsasalo ..malamang mula sa paskong ito.
shot with Nokia 5800
Naghahangad ba akong “sana ay nakasakay na ako sa eroplanong papauwi sa Pilipinas para makapag-pasko doon!“? OO at hindi.
OO dahil syempre naman ay gusto kong makasama ang mga magulang ko. HINDI dahil hindi ko pababayaang mag-isa ang mister ko ngayong pasko. Sa hirap o ginhawa, lungkot at saya – iyan ang sinumpaan ko ng kami ay ikasal.
Ito ang kakaibang mukha ng pasko ng isang Pinoy. Pasko ko. Pinoy style, sa labas ng bansa.
shot with Nokia 5800
Maligayang araw ng L.P. sa inyong lahat!
Kapaskuhang Hapunan (LP 72)
Aug 26th
Alam nyo ba kung ano ang isang bagay na miss na miss ko simula nang ako ay mamuhay sa labas ng Pilipinas, sa loob ng halos 2 dekada na? Iyan ay ang salu-salo hindi lamang tuwing may kaarawan sa pamilya kundi lalo na ang salu-salo tuwing noche buena! Nuong nabubuhay pa ang lola ko ay laging masagana ang aming hapag kainan kahit tight pa ang budget nya, na namana naman ng aking ina na pinahahalagahan ang hapag kainan para sa aming mga anak sa petsang ito.
Dahil sa iba ang kultura na aking asawa, nakaugalian lamang nya at ng kanyang ama (2 lamang sila close sa pamilya, wala na syang ina) na magdaos ng Christmas dinner sa Chinese restaurant, ginagawa din nila ito nuon kapag New Year celebration. Napapalibutan sila ng mga estranghero na gaya nila ay mas minabuti pa na palagpasin ang mga araw na iyon sa restaurant.
Iyun naman ang hindi ko mapayagan magmula ng kami ay ikasal. Sinabi ko sa aking mister na kahit hindi ako marunong magluto ay pagsisikapan ko na ang aming pasko bilang mag-asawa ay sa bahay gagawin at hindi sa isang restaurant na walang appeal ng kapaskuhan man lang. Kasama syempre ang aking biyenan na nag-iisa na lang sa buhay sa aming munting salu-salo na hapunan. Medyo malungkot po ang kapaskuhan sa aming bahay dahil nga sa 3 lang kami, may kapaskuhan pa na 2 kaming mag-asawa lamang dahil may sakit ang kanyang ama. May 2nd day of Christmas din dito sa Netherlands na usually naman ay dadalawin ng mga anak at apo ang mga lolo at lola. Ang aking agenda tuwing nochebuena ay nagluluto ako ng 4-5 courses at kapag Boxing day or 2nd day of Christmas ay isang simpleng putahe lamang ang aking iniluluto. Ang maging busy sa kusina ang mabisang paraan para naman hindi ako masyadong malungkot pa.
Mula sa aking baul, ito ang aming hapunan nuong kapaskuhan ng 2007. Sa araw na ito ay hindi ako nagtitipid sa ingredients, isang beses isang taon lang naman at hindi ordinaryong hapunan, hindi ba?
Natuto lamang ako magluto ng ako ay ikasal. Nagsimula lang sa panood ng mga cooking programs sa ABC UK (1& 2 British channels) , pagaya-gaya lang sa mga chefs.
Ang mga panonood ng programa ay nasundan ng pagbili ng mga recipe books at ang matutunghayan ninyong mga nakahain ay mula sa mga ito.
Ito ang unang course, inspired ni Gordon Ramsey: Langoustine cocktail. May cognac ito. Hindi ko sinunod ang kanyang method bagkus ay sinamahan ko ng sarili kong idea. Thumbs up naman ang aking asawa’t biyenan dito.
Ito naman ang aming 2nd course: Prawn croustade. Mula sa aking French recipe book.
3rd course: Chicken Claridges Chicken Pie, inspired ulit ni Gordon Ramsey.
At ito naman ang aming dessert, 4th course: Cider Blackberries with apple slices. Hango naman ito sa isa pang mahusay na British chef na si Gary Rhodes.
Wala na akong panahon pa malungkot matapos ang hapunan na ito dahil sa pagod. Ganuon talaga, minsan sa buhay natin kailangan magkasya tayo kung ano ang uri ng buhay na pinili natin. At magpasalamat sa Panginoon sa lahat ng kanyang biyaya. Tama ang sinabi sa akin ng aking kaibigan: Tayo ang gagawa ng ating kaligayahan at hindi ang ibang tao.
Magandang Huwebes ng LP sa inyong lahat!
Light lunch lang! (LP 70: Tanghalian)
Aug 12th
Unang una ay welcome sa aking isa pang e-bahay. Yung www.thesserie.com ko kasi ay bagsak at wala na yatang balak bumangon pa. Medyo sawa na ako sa kakapadala ng ticket sa webhost para sabihin ‘ patay’ ang blog ko. Halos linggo-linggo na lang ay bumabagsak ito. Ayaw ko i post dito ang name ng host ko pero kung may magtatanong s ainyo ay hindi ako mangingiming sabihin sa email para kung sakaling nagkakainteres kayo sa kanilang webhosting ay ma-warningan naman kayo.
Kaya maaring ilipat ko nang pansamantala (o for good na) dito sa aking bagong photoblog (sans paid entry) ang aking LP entries.
Pangalawa, ang mga litrato ko ay galing sa aking baul. Kasi naman kaninang tanghalian, sa tindi ng gutom ko ay nakalimutan kong kuhanan ng litrato ang sana ay tanghali entry ko
kaya eto, naghalungkat ako ng lumang litrato.
Kuha ito nuong Septyembre 2008 , unang araw naming mag-asawa sa Bangkok. Wala pa yata kaming 2 oras sa bansang Thailand eh pagkain agad ang hinanap namin, totoo! Kasi naman ay pareho kaming mahilig sa Thai food at madalas ay nagbibiro ang asawa ko na nagpupunta lang kami sa Thailand dahil sa pagkain ha ha! Halata bang matatakaw?
Ito ay sa MBK grill house. Dumating kami ng BKK ng bandang alas 11 ng umaga, mga 1 ng hapon ay nananghalian kami.
Pang2 katao lang ito, madami ba? Naku eh may hapunan pang kasunod yan ha ha!
Happy LP po sa inyong lahat!!

















Recent Comments