the world from behind her camera
Litratong Pinoy
Ahhhhhlikabok! (LP 148)
May 4th
Join us at Litratong Pinoy .Com
duster, macro
Alikabok! Iyan ang matindi kong kalaban, kalaban na walang kamay, walang paa, walang ulo, hindi nangangailangan ng black magic, pero talagang naapektuhan nya ang buhay ko at takot ako sa kanya! Bakit? Allergy. Ako ay may matinding allergy sa maliliit na particles na tulad ng alikabok, pollen, dead skin ng hayop gaya ng aso at pusa.
Buong buhay ko ay dumanas ako ng hirap sa paghinga tuwing makapal ang alikabok sa aking paligid o sa panahon ng tag-sibol dahil sa nagliliparang pollen. Maging ang aking lola noong araw ay pinagbawalan akong makipaglaro sa aming alagang pusa. Naging immune na rin ako sa mga anti histamine. Finally late last year ay pumunta na kami ng aking esposo sa ENT upang malaman ang tamang paraan para maibsan na ang aking matinding allergy, nakakaawa na kasi ang aking ilong na laging ‘running’ at hirap na sa pag-hinga. Ipina test ang ang dugo at ayun! Salamat sa doktor at sa kauna-unahang pagkakataon ay nakahinga ako ng maluwag. Maging ang walls ng aking ilong na sa pakiramdam ko noon ay halos 50% na nagsarado na dahil sa pamamaga ay muling numipis at maayos na ang daloy ng hangin papasok sa aking dibdib.
Hay, kay sarap huminga! Nakakalabas na ako ng bahay na hindi natatakot sa alikabok at pollen pasukin man nila ang aking ilong.
HAPPY LP po sa inyong lahat!
Aso sa kalsada (LP 147)
Apr 27th
Join us at Litratong Pinoy .Com
Isa sa aking nami-miss (minsan lang naman) sa bansang aking tinitirhan ay ang ingay sa kalsada. Noong una ay talagang nanibago ako sa katahimikan sa kapaligiran lalo na kung weekend. Sa Pilipinas ay laging may tao sa mga kalsada, umaga man, tanghali o gabi…hanggang sa madaling araw!
Sa mga kalsada dito? Bihira ka makakakita ng mga batang naglalaro sa kalsada. Walang mga tambay sa kanto. Dahilan sa sarado ang mga tindahan pag sumapit ang 17:30 ay tahimik na rin ang mga lugar na pamilihan.
Isang araw ng Linggo (Sunday) ay itong aso na ito na nakatali sa poste ang aking nakita sa kahabaan ng isang kalsada. Nag-iisa sya. Hinihintay niya ang kanyang amo na maaring may pinuntahan lamang saglit.
Kung tatanungin mo ako na kung kakayanin ko ba maglakad sa kalsadang gaya ng iyong nakikit sa gabi ay HINDI ang aking isasagot. Dahil sa ito ay sobrang tahimik. Mas gusto ko lakarin ang mga kalsada dito kung may tao sa paligid. O kaya naman ay kung may malaki akong aso na kasama, go ako!
Happy LP po sa inyong lahat!
Pear blossom (LP 146)
Apr 6th
Join us at Litratong Pinoy .Com
Bago sumapit ang tagsibol (Spring) ay akin nang binalak na balik-balikan ang mga puno ng cherry blossom na aking nadadaanan tuwing ako ay mamimili sa shopping center na malapit sa amin bahay. Sabi ko sa aking sarili: ‘kailangan makunan ko ng larawan ang mga punong ito dahil 1-3 araw lamang ay matatapos agad ang pagsibol ng kanilang mga bulaklak.
Subalit nitong nakaraang weekend, ang aking maliit na pamilya ay nagbakasyon. Sa loob ng 2 gabi/3 araw ay nawala kami at mismong sa mga araw na iyon ay sumibol ang mga bulaklak ng mga puno at aking hindi inabutan!! Hindi ako nagbibiro kung sasabihin ko na ang laki ng panghihinayang ko dahil hindi na ito mauulit pa kundi maghihintay muli ako ng isang taon para lamang makakuha ng tsansa muli.
Pero alam nyo ba, sa likod lamang ng aming bahay ay may mga sumisibol na nag-gagandahang bulaklak sa mga puno, isa na ay mula sa aming puno ng pear (peras) .
Ang mga blossom na ito ang nagiging peras. Iyan ay kung hindi sila mauunahang sirain ng malakas na hangin o ulan. Buwan ng Septyembre at Oktubre, yan ang aking paboritong mga buwan dahil dyan ko napipitas ang mga peras! Ang klase po ng peras namin na ito ay iyong iniluluto.
Maligayang Huwebes ng LP sa inyong lahat…at Happy 3rd LP Anniversary din
Waterkip (LP 144: Itim)
Mar 23rd
Join us at Litratong Pinoy .Com
‘Waterkip’(dutch)
Kung ating ita-translate ng literal, ‘tubig-manok’ ..yan po ang tawag sa kanya dito sa Holland. Maraming type ang specie na ito pero ito ang madalas kong nakikita sa paligid namin. Itim ang kanyang kulay na may mapulang mga mata.
Winter, springtime, summer o fall, all year round ay makikita sila sa paligid. Hindi tulad ng ibang ibon na nagma-migrate sa ibang bansa kapag malamig o sobrang init, ang waterkip ay laging nakapigil sa mga tubig sa paligid. Kapag wintertime na halos wala silang makain, sila ay dinadalhan ng mga tao ng pagkain. Subalit itong panahon na ito nang Tagsibol sila, kagaya ng mga ducks ay ‘busy’ . Busy sa pagkukumpuni ng mga hihimlayan ng kanilang itlog. Mating season, ika nga.
Protected sila ng law, walang pwedeng gumalaw, manakit sa kanila. Kaya naman namamayagpag ang kanilang bilang. Wala silang kaaway kundi sila-sila lamang ng kanyang kauwi kapag nagkaka-agawan ng teritoryo.
Happy LP sa inyong lahat!
Peony Rosas (LP 143)
Mar 16th
Join us at LITRATONGPINOY.COM
Kulay Rosas. Rosas. Bulaklak na kulay rosas ang ninais kong ipamahagi sa aking LP entry ngayong Huwebes.
Dahilan sa hindi pa rin matapos-tapos ang aming winter ay wala akong mahanap na rosas na bulaklak sa aming paligid, maliban na lang sa mga flower shops. Subalit ang bulaklak na ito ay hindi ko basta na lamang matatagpuan sa mga flower shops dahil seasonal ito, available lamang kapag springtime na. Kaya opo, inumit ko lamang ang litratong ito mula sa aking baul.
Isa sa pinakamabangong bulaklak na nalanghap ko na! Kaya naman hindi maaaring hindi ako bibili nito kapag lumabas na sa mga shops at lalo na sa mga palengke! May kamahalan nga lang, dahil ang 4 na tangkay ay pumapatak ng 600.00- 1,000.00 Php (converted) ang presyong ito ay noong nakaraang taon pa at sa palengke pa lang yan, malamang ay mas mahal ito sa darating na spring.
Hay, hindi ko na mahintay ang pagsibol ng bulaklak na ito. Babango na naman ang aming bahay. Hindi naman po kami mabantot ha! ha! kakaiba lang talaga kapag may humahalimuyak na bulaklak sa loob ng bahay.
Happy LP sa inyong lahat!
Kayumangging awitin (LP 142)
Mar 9th

APO Hiking Society. Silang tatlo ang pumasok sa isip ko nang naghahanap ako ng larawan para sa LP challenge ngayong Huwebes.
Silang 3 na nilipad ang iba’t ibang sulok ng mundo upang makapiling ang kanilang mga kababayan kahit man lang panandalian sa pamamagitan ng musika, sa pamamagitan ng pagbibigay kasiyahan. Kababayan na tulad ko’ng kayumanggi.
Silang 3, Buboy, Danny at Jim- kayumangging Pilipino. Sino sa inyo ang hindi nakakakilala sa kanilang mga kayumangging awitin?
Maligayang araw ng Litratong Pinoy po sa inyong lahat!
Paborito ko ay PULA (LP 141: bughaw )
Mar 2nd
Join us at Litratong Pinoy .Com
Ang aking paboritong kulay ay pula. At itim (pero sabi nila ay hindi ito kulay.)
Subalit ng simulang ako ay manirahan sa bansang ito (Holland) ang aking paboritong mga kulay ay nadagdagan ng asul! At kung dati ay panay ang reklamo ko na : ‘ang init init naman!’ kapag summer na sa Pilipinas, ngayon ay panay ang dasal at hiling ko na sana ay lagi na lang summer ang aming panahon. Hindi po ako nagbibiro.
Dahilang mas malimit na nakalulungkot na abo (gray) ang kalangitan sa bansang ito keysa sa asul. Suwerte na kami kapag ang aming summer ay mainit talaga. Hindi po biro kung sasabihin ko na parang langgam ang mga Dutch ( o mga tao sa kalakhang Europa) na biglang nagsusulputan at naglalabasan sa kanilang mga bahay kapag sumisinag ang araw, kapag nagiging asul ang kapaligiran. Malamig man (winter) or mainit (summer) ang mga tao po dito ay nakatingala agad at talagang ninanamnam ang init ng araw at ganda ng bughaw na langit!
Kung ako na dati ay takot umitim…ngayon ay isa ako sa nakatingala agad at halos ihampas (kung pwede lang) ang aking pagmumukha sa araw matikman lamang sya…paitiimin mo ako , araw! At kapag bughaw ang kalangitan sa labas?
Galit na kami ng internet connection ko, dahil talagang lalabas ako at iiwan ko sya!
Konting make up, okay na! (LP 140)
Feb 23rd
Join us at Litratong Pinoy .Com
Noong aking kabataan, kapag nakakakita ako ng mga babaeng may make up ako ay namamangha. Minsan naman ay pakiramdam ko ay ang áarte’ naman nila! Dahil ako ay lumaki sa isang pamilya ang bibihira ang gumagamit nito. Ang aking ina ay lipstick lamang sa tuwina ang nakikita kong ginagamit samantalang ang aking mga tiyahin naman ay ganuon din. Naririnig ko pa sa mga kalalakihan na ‘hindi maganda sa babae ang may make-up’. Mayroon pang nagsasabing mukha ‘belyas’ang babae kapag may make up! (Sobra naman yun!) Makalumang kalalakihan o ayaw lamang titingnan ng ibang lalaki ang kanilang magandang asawa o kasintahan? Hmmmm….
Tumuntong ako sa edad na naging ganap na dalaga, natutong gumamit ng make up dahil kinakailangang maging presentable sa trabaho. Walang masama sa pag-gamit nito. Napatunayan kong may naidudulot itong tulong sa isang babae. Lalo na yuong hindi nabiyayaan ng angking kagandahan. Sabi nga nila ang pangit, napapaganda ng make-up madalas. Totoo po yan. Isa ako sa prueba
Hindi kinakailangan na makapal ang ipahid mo sa iyong mukha bagkus ay kung tama lamang, ang kagandahan ng isang babae ay mapapansin. Kung sadyang maganda naman siya ay konti o banayad na make up lamang ay tiyak siya ay lilingunin ng mga kalalakihan man o kababaihan. Sa panahon ngayon ay walang gustong makakita ng mukha ng isang babae na wala man lang kahit konting kapayakan. Aminin man nating mga babae o hindi, kapag maayos tayo sa ating sarili, mukha man o katawan, tayo ay nakakaranas ng saya at nagkakaroon tayo ng kumpiyansa.
Basta ako, may konting kumpiyansa kapag may konting kulay man lang sa mukha kapag lumalabas ng aming bahay. Kailangan eh. Baka magtakbuhan sa takot makakasalubong ko kung walang make up!
Happy LP sa inyong lahat!

















Recent Comments