the world from behind her camera
Litratong Pinoy
Iyo ba ito? (LP 92)
Feb 10th
Kaninong maleta ito? IYO ba? Idiniklera mo ba ang buntot na ito?
Ang totoo nito ay display ito sa conveyor belt sa Schiphol airport sa Amsterdam. Ilang conveyors ang nakitaan ko na mayroon nito sa ibabaw. Ang mga sample na maletang gaya nito ay kasama ng mga maleta ng mga pasahero na umiikot sa belt.
Ginawang sample ito ng mga kinauukulan dahil sa dami ng hindi idinideklarang bitbit ng mga ‘malihim’ na pasahero. Mga pinatuyong exotic animals ay ilan lamang sa mga ipinupuslit. May mga nagpupuslit din ng mga pinatuyong balat ng buwaya gayan ng nasa larawan na ito.
Kaya kung may bitbit kang buwaya (kahit tuyo) nasa kategoryang ‘Something to Declare’ ito.
dapat naman, di po ba?
Happy LP day, everyone!
Akin lang! (LP 91: Akin/mine)
Feb 3rd
Si Charlie ay isang maliit na aso. Malambing. Makulit. Mahilig tumakbo. Maskulado. Palalaro.
Pero ang huwag na huwag mo gagawin ay agawin ang kanyang mga laruan. Lalo na kung ito ay bilog. Gaya ng bola!
Dahil lalong lumalaki ang kanyang mga mata kapag nakakakita ng bola. Basta bola, ito ay kanya. Kaya minsan ay nakakahiya sa park dahil kapag may naglalarong aso at may bola ito, tiyak ay makikipag-agawan sya!
Sayang at hindi mo makita kung paano sya maglaro ng bola, malaki man o maliit. Walang binatbat sa kanya si David Beckham, mahusay sya maglaro ng soccer! Hindi, hindi kita binobola!
Happy LP, dear friends!
Bunga ng pagpa-Plano (LP 90)
Jan 27th
Isang parte ito ng aming bakasyon sa bansang Thailand na hindi ko makakalimutan. Involved dito ay isang pamilya ng squirrel.
Sa aming paboritong hotel (at dati kong pinagtrabauhan) ay may ilan na ring uri ng hayop at ibon akong nakita na hindi normal na makikita sa araw-araw. Noong early 1990′s dito ay may makikitang baby elephant na ginamit bilang mascot. Tuwing umaga ay ipinapasyal ito ng kanyang trainer sa iba’t ibang facilidad ng hotel para batiin ang mga hotel guests. Sa ngayon ay ipinagbawal na ng hari ang pagta-trabaho sa mga elepante, na positibong hakbang kung ako ang tatanungin.
Pero bago ako maligaw, balik na tayo sa aking akda.
Isang araw habang nakabilad ang aking mister sa araw sa may pool, ako naman ay namasyal sa paligid. Maraming puno na mahusay na inaalagaan ng mga hardinero dito kaya di kataka-takang pamahayan ng mga squirrels ang mga ito. Dahil hitik sa bunga na kanilang kinakain!
Habang naglalakad ay nakarinig ako ng maliit ng ingay! Aha! May nakita akong nagtatakbuhan sa di-kalayuan. Dali-dali kong tinakbo ang aking camera na binabantayan ni irog at binalak ko ‘mahuli’ ang cute na pamilya!
Hindi ako sure pero parang ito si mama squirrel, tipong pinapagalitan nya si junior dahil ang ingay nito at kung saan-saan nagtatakbo! Aha ulit! Gusto kong makuhanan ng larawan ang makulit na baby squirrel kaya binalak kong abangan sya….
tamang -tama! Kung saan ako nagtatago ay doon naman sya tumakbo para maglaro!
oops! nakita na nya ako!
* mommy….may mumu na may isang mata…mommy!!! * tipong tawag sa ina..ang ingay nya!
Syempre laking tuwa ko at nagbunga ang balak ko. Pero may naramdaman akong ‘nagmamasid’ sa akin..hmmm…
Ito kaya si daddy?
Happy LP, everyone!
Magustuhan o Maibigan (LP 89)
Jan 20th
Noong nakaraang taon, buwan ng Disyembre ay napagpasyahan naming mag-asawa na sa Italia (Roma) iselebra ang aming ika-10 anibersaryo. Makulimlim ang Holland ng nilisan namin pero ganuon na lang ang tuwa namin ng dumating kami sa Italia na sikat na sikat ang araw! Noong nasa Rome Fiumicino Airport (Leonardo da Vinci) pa lang kami ay akala ko hindi ko magugustuhan ang aming pagbisita dahil sa mga arogante ang mga Italiano sa mga kiosks! Kakaiba talaga, na parang galit sila sa mga naglalakbay o turista. Pero syempre walang urungan at nanduon na kami, at isa pa, hindi ko hahayaang sirain ng kung sino lang ang aming anibersaryo, di ba?
Ang matutunghayan ninyo ay loob (ng itaas ) ng St. Peter’s Basilica na binisita namin sa pangalawang araw.
Ang disenyo ng ceramic tile mural na ito ay isa lamang sa makikita nyo kapag naakyat na dome nito. Makipot ito at halos kailangan mo tumabingi para bigyang daan ang mga taong gustong lumakad sa likod o harap mo. ( O siguro kasi mataba ako kaya kailangan ko tumabingi para makadaan sila he he)
*click for a larger image*
Nababakuran ito ng metal..siguro ay para na rin sa kapakanan ng mga dumadalaw o walang magtangkang magpatiwakal dito.
Ang parteng hindi ko nagustuhan ay ang 320 na bilang ng hagdan na kailangan mong tahakin upang maka-akyat dito! Habang himihingal ay sandali akong tumigil upang kunan ang makipot na hagdan…mabuti na lang at winter ng kami ay pumunta doon, naiimagine nyo ba kung gaano kainit dito kapag summer?!
hay naku, talagang hapong hapo ang kasiksikan ko kaya umupo muna ako sa isang tabi…sa labas lang ito ng souvenir store sa itaas ng church na kung saan ay nakilala ko ang isa sa mga madre na nagbabantay sa mga paninda..isa syang Filipina, si sister Fatima..sayang at hindi ako humiling na kunan sya ang larawan.. (yung ale sa larawan ay papasok sa souvenir store)
Ang mga naglalakihang rebulto ng mga santo sa itaas ng simbahan..may rehas kaya hindi sila malalapitan ng husto. Ipinasok ko na lang ng bahagya ang lens ng camera sa pagitan ng mga rehas para kumuha ng larawan..
Ang nagustuhan kong parte, at tiyak na magugustuhan nyo rin …na makita ang ciudad ng Vatican mula sa tuktok ng simbahan. Waging wagi kahit hiningal ang kasiksikan ko.
PS. may isa pala akong hindi nagustuhan ng araw na iyun..nakaligtaan kong kunan ng larawan ang Pieta, ang likha ng mga kamay ni Michael Angelo! (*engot to self*)
enihawkalabaw, sana naman ay nagustuhan ninyo ang aking lahok sa Huwebes na ito…Happy LP sa inyong lahat!!
Guhit ng palad (LP 88 Manipis)
Jan 13th
Mas MANIPIS keysa sa hibla ng buhok, ang guhit sa ating mga palad.
Marunong ka bang bumasa ng ‘future’ ng isang tao sa pamamagitan ng pagtingin sa guhit ng kanyang palad? Naniniwala ka ba dito?
Kung ako ang tatanungin ay parehong HINDI ang sagot ko. Sapagkat naniniwala ako ng ang Panginoon lamang ang nakakaalam ng ating bukas. Walang manghuhula o madyikero ang nakakaalam nito. Tsamba kamo? Siguro. Maari, bakit hindi. Wala naman imposible. Pero ako….
sa Kanya ko ipinauubaya ang lahat. Likha Nya lang ako.
Magandang araw ng Litratong Pinoy sa inyong lahat!!
Can you read someone’s future by looking at his palm? Do you believe in this?
If you were to ask me, my answer to both would be NO. Because I believe that only God knows our future. No fortune-teller nor magician can tell. Pure luck, you say? Maybe. Could be. Nothing is impossible. But I…
have lifted up all to Him. he is my Creator.
Gusto ko ng makapal!! (LP 87)
Jan 6th
Ganito! Ganitong kakapal na hiwa ng Thai sweet mango ang gusto ko!

Halata bang matakaw ako? Ha ha! Unang sumagi sa isip ko para sa temang makapal ay ito talaga. Miss na miss ko na kasi ang Thai sticky rice with mango! Nuong nagta-trabaho pa ako sa Thailand (ilang taon din) ay halos tuwing day-off ko ay lagi kong dinadayo ang pamosong tindahan na dinadayo talaga ng mga Thai para lang bumili ng meriendang ito. Khao Niaow Ma Muang ang tawag sa Thai.

Hayyyy habang binabalatan nya ang mangga ko, laway na laway naman ako he he! Buti hindi ko nabibitawan camera ko kasi parang nanginginig pa sa sobrang excitement, nyahahaha!

Magandang Huwebes ng LP sa inyong lahat!!
Thank you…and please come again! (LP 86)
Dec 30th
Upang ipaalam ang ating pasasalamat, maraming paraan ang ating ginagawa. We shake people’s hands. We send gifts. We say ‘thank you’ . May naiiyak pa nga habang nagpapasalamat kasi sobrang saya nya, di ba? May mga restaurants na namimigay ng mga trinkets sa kanilang mga clients. May malalaking kumpanya na nagbibigay ng bonus sa kanilang mga manggagawa. May mga tindahan naman na namimigay ng goodies sa kanilang mga suki. Kagaya ng litrato (recycled) sa itaas. Isang grocery na malapit sa amin at laging tinatakbuhan ko para sa supplies , ganyan ang ibinibigay taon-taon!
Pero hmmm, kung iisipin ko hindi naman talagang 100% na pasasalamat eh, kundi marketing strategy pa rin. Kasi kailangang mag-ipon ka ng 50 stickers (worth €10 of gorcery, you get a sticker) para maka-avail ka ng ‘free box’ . So 50 x €10=? LIBRE NGA BA? PASASALAMAT NGA BA?
Hay naku, basta ako, NAGPAPASALAMAT SA INYONG WALANG SAWANG PAGDALAW SA AKING ABANG BLOG. NAGPAPASALAMAT DIN AKO NG DAHIL SA LITRATONG PINOY KAHIT PAANO AY NAKAKILALA AKO NG MABABAIT NA TAO.
MANIGONG BAGONG TAON SA INYONG LAHAT!!!
Regalo sa araw-araw (LP 85)
Dec 23rd
Ang maimulat ko ang aking mga mata sa umaga, humihinga, nasa piling ng mahal ko sa buhay ay ang mga bagay na pinasasalamatan ko sa Panginoon sa araw-araw. Regalong buhay. At mabuhay ng mapayapa. Para sa akin ay karapat-dapat lang na magbigay papuri sa Kanya.
At ang higit sa lahat, ang pinakaimportanteng regalong natanggap ko ay ang Anak na si Jesus na ibinuwis alang-alang sa isang makasalanan na tulad ko.
Ang makita ng aking mga mata ang ganitong kagandang likha ng Panginoon…wow! regalong super! Isa pang magandang regalo ay ‘birthday’ ko sa darating na pasko, sa araw na ito noong 1994 ako ay na-water-baptized.
MALIGAYANG MALIGAYANG PASKO PO SA INYONG LAHAT!! AT MALIGAYANG ARAW NG L.P.!

























Recent Comments